-- Advertisements --

CAUAYAN CITY-Hindi na madaanan ang Ilang tulay at daan sa Nueva Vizcaya dahil sa ilang landslide, pag-apaw ng tubig sa tulay at ilang nasirang bahagi ng daan bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Nueva Vizcaya, may mga naitala silang landslide sanhi para pansamantalang isara ang ilang daanan maliban pa ang naitala nilang biglaang pagapaw ng mga tubig sa mga tulay.

Kabilang sa mga lansangan na hindi na maaaring madaanan ay ang Palastonan Chakan Road sa Kayapa, Proper 2 Provincial Road, at Pangawan Nayaw patungong Bangawan Road.

Hindi na rin madaanan ang bahagi ng Kasibu to Quezon National Road.

Isang pamilya naman mula sa Purok 4 Poblacion, Kayapa ang inilikas dahil sa landslide.

Pansamanatalang hindi na rin madaanan ang Poblacion hanggang Kapaya National Road habang may isang lane lamang ang maaring daanan sa ilang lugar dahil sa naitalang serye ng landslide.

Pansamanatala ring naputol ang linya ng kuryente sa Kongkong Valley, Kasibu.

Naitala rin ang ilang serye ng landslide sa bahagi ng Mangayang, Dupax Del Sur patungong Aritao.

Isang lane lamang ang maaaring daanan sa bahagi ng Kinabuwaan to Ganao Provincial Road at Bayombong to Ambaguio Road dahil pa rin sa pagguho ng lupa.

Hindi na rin madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang Macalong overflowing bridge patungong Cordon, Kongkong Bridge at ilang tulay sa Solano dahil sa pag-apaw ng ilog.

Sa kabila ng mga naitalang serye ng landslide at pagapaw ng ilog ay tiniyak ng PDRRMO na walang aberyang mararanasan ang mga motoristang daraan sa lalawigan kung magmumula sila sa hilagang bahagi ng Rehiyon 2 gayunman ibayong pag-iingat ang kailangan dahil sa inaasahang paglambot ng lupa dulot ng pag-ulan.

Naka pre-position na rin ang iba’t ibang MDRRMO personnel na mangunguna sa clearing operations sa mga lugar na makakapagtala ng landslide.

Samantala, dahil sa pag-apaw ng ilog ay ilang alagang baka ng mga magsasaka ang nalunod sa Nueva Vizcaya.