LAOAG CITY – Pabor ang ilang opisyal ng Department of Education (DepEd) sa lalawigan hinggil “no homework policy.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Dr. Joan Corpuz, schools division superintendent sa lungsod ng Batac, sinabi nito na suportado niya ito dahil mabibigyan ng sapat na oras ang mga mag-aaral na magpahinga matapos ang limang araw na pag-aaral.
Ayon kay Corpuz, ito rin ay para makahanda ang mga estudyante para sa susunod na araw dahil marami na namang aktibidad ang gagawin ng mga bata sa eskuwelahan.
Maliban dito, sinabi pa na mabibigyan ng oras ang mga mag-aaral na tulungan ang kanilang mga magulang sa mga gawaing-bahay.
Aniya, mas lalo pang makaka-focus ang mga bata sa kanilang pag-aaral dahil wala silang iniisip na gagawin na sa kanilang mga bahay.
Dagdag pa niya na nakakabahala ang paglabas ng mga bata tuwing Sabado para gumawa ng mga assignment o proyekto dahil hindi nila nababantayan ang mga ito.
Samantala, pabor rin si Mr. Rene Castillo, isang guro sa Ilocos Norte College of Arts and Trade dito sa lungsod ng Laoag na walang ipapagawang assignment sa mga mag-aaral tuwing weekends partikular tuwing Biyernes.
Kinokonsidera naman ni Castillo ang negatibong epekto nito dahil ginagawa ng mga mag-aaral na rason ang paggawa ng assignment para makalabas.
Binigyang diin niya na kailangang gabayan ng mga magulang ang kanilang anak sa paggawa ng asignment.