-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Mahaharap sa kaukulang parusa ang mga drug stores at groceries sa Cordillera region na nadiskubre na nag-overprice sa kanilang mga ibinibentang alcohol at face masks.

Ayon kay Department of Health – Cordillera regional director Dr. Amelita Pangilinan, mula sa 27 na drug stores at anim na groceries na kanilang isinailalim sa inspeksiyon ay nadiskubre nila ng siyam sa mga ito ang nag-overprice sa benta ng mga itong 70 percent solution ethyl alcohol.

Aniya, ibinebenta ang mga 250ml na 70 percent solution ethyl alcohol sa halagang P45, samantalang ang pinapayagang maximum price sa nasabing produkto ay P41.75.

Bumili aniya sila ng item na may official receipt at kanila itong isinumite sa kanilang legal office para sa pagpapalabas ng show cause order sa siyam na establisyemento.

Nadiskubre rin nila na apat na drug stores sa Cordillera ang nag-overprice sa benta ng mga itong face mask kung saan nagkakahalaga ng P8 ang mga surgical mask habang P105 sa n95 mask.

Dinagdag pa ni Dr. Pangilinan na nakatakda ang pag-recall nila sa mga ibinibentang modified face masks gaya ng mga carbonated disposable face masks sa mga pharmacies sa rehiyon dahil sa panuntunan aniya ng Food and Drug Administration ay “non registrable” ang mga modified face masks.