Tila sinamantala at inabuso ng ilang mga e-vehicle driver ang pagbawi sa pagbabawal sa mga ito na dumaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Ito ay matapos na ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bigyan ng isang buwan na palugit ang mga e-vehicles Para sa policy banning ng mga ito sa major roads sa rehiyon.
Sa bahagi ng Pasay City, naobserbahan ng Bombo Radyo Philippines na may ilang e-tricycle drivers na nananaga ng presyo o over charging ng pamasahe sa mga pasaherong kanilang isasakay.
Mula kasi sa isang kilalang malaking shopping mall sa lungsod hanggang sa bahagi ng Gil Puyat ave. ay may ilang mga e-tricycle driver ang naniningil ng 50 pesos kada pasahero na dapat ay nagkakahalaga lamang sa 25 pesos hanggang 30 pesos ang pamasahe, habang may iba naman na nagtangka pang maningil ng hanggang 150 pesos sa parehong ruta.
Dahil dito ay napipilitang magbayad ng mas mataas na halaga ng pamasahe ang mga pasahero lalo na ang mga commuter na nagmamadaling makauwe.
Samantala, sa ngayon ay hinihingi pa ng Bombo Radyo Philippines ang panig ng lokal na pamahalaan ng Pasay City ukol dito.
Kung maaalala, ang grace period na ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. ay layon na bigyan ng sapat na panahon ang publiko na mabatid ang mga impormasyong may kaugnayan sa pagbabawal sa mga e-vehicle kabilang na ang mga three-wheeled at four-wheeler variants sa pagdaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.
Sa ilalim nito ay hindi muna ti-ticket-an o mumultahan ang mga e-bike at e-trike driver na mahuhuling lumalabag sa naturang kautusan, at bagkus ay ire-redirect muna ang mga ito sa mga tamang daan at muling pa paalalahanan ng bagong polisiya na ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority.