-- Advertisements --
bicol vcm

Nabunyag ngayon sa joint congressional oversight hearing ukol sa 2019 midterm elections na nagkaroon ng early transmission ng data ang ilang vote counting machines (VCM).

Ayon kay Jeff Dy, isa sa mga IT experts na humarap sa pagdinig, nangyari ang early transmission bago pa man daw ang panahon ng bilangan.

Bagama’t hindi pa umano nila matukoy kung nakaapekto ito sa bilangan, maituturing pa rin itong mali dahil sa panuntunan ng Comelec na bawal ang maagang pagpapadala ng data.

Isa sa mga lugar na may dobleng pagsusumite ng data ay sa Libon, Albay, kung saan sinusuri na kung ano ang dahilan ng nasabing pangyayari.

Tiniyak naman ni Dy na sa huli ay malalaman pa rin kung may anomalya sa early transmission kapag natapos na ang kanilang pagsusuri.

Samantala, agad dumipensa si Comelec Executive Director Jose Tolentino Jr. sa nabunyag na early transmission noong panahon ng midterm elections.

Giit pa ni Tolentino, hindi agad matatawag na pandaraya ang maagang mga pumasok na data.

Paliwanag nito, nagkaroon ng testing and sealing bago pa man ang halalan kaya hindi nakakapagtaka ang early transmission, para masubukan ang function ng vote counting machines.

Pero aminado ang Comelec official na may direktiba silang bawal ang pag-transmit ng data para maiwasan ang kalituhan.

Tiniyak nito na kanilang sisilipin ang detalye ng sinasabing pagpapadala ng impormasyon bago pa man ang bilangan ng boto.