Nakiisa ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pagdadalamhati sa pagpanaw ni Pope Francis.
Inilarawan ng CAAP si Pope Francis bilang isang mapagpakumbabang pastol na mahabagin, may malasakit, pananampalataya, at tapat na paglilingkod na naging inspirasyon ng milyon-milyon.
Habambuhay na aalalahanin ng CAAP ang makasaysayang Apostolic Visit ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015, lalo na ang kanyang pagdating sa Tacloban City noong Enero 17.
Sa kabila ng malakas na ulan noon, ipinagpatuloy ni Pope Francis ang kanyang nakatakdang Homily sa grounds ng Tacloban Airport, kung saan libo-libong mananampalataya ang naghintay nang may pag-asa sa kanilang mga puso.
Kabilang sa mga naging bahagi ng makasaysayang araw na iyon ay si dating CAAP Director General Captain Manuel Antonio L. Tamayo, ang pilot-in-command ng “Shepherd One” (Philippine Airlines Flight PR 8010) na lumipad mula Maynila papuntang Tacloban.
Sa kabila ng masungit na panahon, matagumpay na naihatid ni Captain Tamayo at ng kanyang crew si Pope Francis sa Leyte bago pa lumala ang bagyo—isang biyahe na tinawag na “isang hamon at isang biyaya.” Muli rin niyang inilipad pabalik sa Roma ang Santo Papa noong Enero 19, 2015.
Samantala, si Renz Bulseco, isa sa mga air traffic controller sa control tower noon, ay nagbalik-tanaw: “Nagdaos si Pope Francis ng misa sa bagong ramp ng paliparan. Lahat ng dumalo ay nakasuot ng matingkad na dilaw na poncho, at mula sa control tower, kitang-kita ang vibrant sea of color […] Sa 12 taon ko sa air traffic service, ito ang isa sa mga pinakatampok na alaala ng aking karera. Nakaramdam ako ng labis na karangalan na mapalapit sa Santo Papa.”
Nagbalik-tanaw din si Tacloban Airport Fire Marshall Allan Cahingcoy: Isang malaking karangalan at pambihirang pagkakataon ang masaksihan ang Apostolic arrival ni Pope Francis. Sa kabila ng lamig, pagod, at hirap na aming naranasan, lahat ng iyon ay sulit at kasiya-siya. Tunay na isang minsan-sa-buhay na karanasan.”
Ayon sa CAAP, ang pamana ni Pope Francis ay manantiling buhay sa kanilang himpapawid, sa kanilang mga puso, at sa pananampalatayang iniwan ng santo papa sa sambayanang Pilipino.