ILOILO CITY – Huli sa akto ang isang opisina sa Provincial Capitol ng Iloilo na walang on-duty personnel sa oras ng trabaho.
Ito ay kasunod ng isinagawang surprised inspection ng Civil Service Commission inspection team kasama si Commissioner Aileen Lourdes Lizada.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Civil Service Commission 6 Regional Director Nelson Sarmienta, sinabi nito na nakuhanan ng video ng inspection team ang loob ng kapitolyo.
Maliban sa walang on-duty personnel, nakita din na nakabukas ang browser ng isang online shop sa computer ng opisina.
Samantala, nang ininspeksyon ng Civil Service Commission ang Iloilo City Hall, nahuli nila ang dalawang empleyadong babae na abala sa pag-hair hygiene ng kasamahan nila.
Napuna rin ng ahensya ang isang police personnel sa labas ng kapitolyo na nasa police assistance desk habang ito ay nanonood ng volleyball game sa kanyang cellphone.
Umaasa si Sarmienta na ang nangyari ay maging wake up call sa mga government employees na magtrabaho ng maayos dahil direktiba mismo ni Presidente Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng Anti-Red Tape Act o ang Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services.
Sa ngayon, patuloy pang hinihintay ang sagot ng mga nahuling empleyado ng gobyerno.