Patuloy na umaasa ang ilang mga empleyado na matupad ang napipintong pagtaas sa sahod ng manggagawa mula sa mga pribadong sektor.
Matatandaan na aprubado na ng House Committee on Labor and Employment ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng P200 across-the-board na wage hike.
Kaya naman, naglabas ng saloobin ang mga empleyadong nagtatrabaho hinggil sa usaping ito.
Isa sa mga nakapanyam ng Bombo Radyo Philippines ay si Rory Lagana na kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang security guard.
Kwento niya, malaking tulong umano ito sa kanilang pang-araw araw na buhay dahil sa kadalasan raw ay mabigat na ang gastusin sa kanyang pamilya.
Ngunit iginiit naman niya na may pangamba siya sa muling pagtaas ng sahod sapagkat ayon pa sa kanya, posibleng mapunta lang din naman ito sa mga kinokolektang kontribusyon.
‘Malaki yun sir kung idagdag talaga, kung hindi nila dadagdagan kontribusyon namin kasi sa mahal ng bilihin ngayon,’ pahayag ni Rory Lagana, isang security guard.
Ang isa pang manggagawa na si Jonah Bercasio ay inihayag ang kanyang pagkasiya sa napamalitaang dagdag pasahod.
Aniya, malaki din ang epekto nito sa kanya lalo pa’t dito na siya nakatira sa Maynila kung saan ramdam ang mataas na presyo ng mga bilihin pati ang gastos sa transportasyon.
Samantala, sineguro naman ng Department of Labor and Employment ang pagpapatupad ng umento sa sahod kung sakaling ipatupad na ito bilang batas.
Ito ay kinumpirma mismo ni Secretary Bienvenido Laguesma, ang kasalukuyang kalihim ng naturang kagawaran.