LEGAZPI CITY – Epektibo na mula ngayong araw, Abril 14 hanggang sa Abril 29 ang panibagong protocols sa Lungsod ng Legazpi kasunod ng deklarasyon ng Department of Health (DOH) Bicol na nagkakategorya sa lugar bilang high-risk area sa COVID-19.
Sa abiso ni Mayor Noel Rosal sa publiko, pansamantalang isinara ang ilang establisyemento kagaya ng mga entertainment venues na may live performers, internet cafes, billiard halls at bowling alleys, amusement parks at playgrounds pati na indoor at outdoor tourist attractions sa museo, gallery at art exhibits.
Bawal na rin muna ang iba pang aktibidad kagaya ng outdoor, indoor at contact sports, gyms, spa at iba pang indoor leisure centers o pasilidad maging ang swimming pools.
Nasa 50% capacity naman ang public transportation, religious gatherings, barber shops at beauty parlors na limitado lamang sa pagpapagupit ng buhok, indoor dine-in sa restaurants at hotel and accomodation establishments na DOT-accredited.
Mahigpit ang paalala sa pagsunod sa minimum health standards at abiso na lumabas lamang ng bahay sa pag-access sa essential goods and services.
Muling nagdagdag ng checkpoints sa mga barangay upang mabantayan ang pagdating ng mga biyaherong mula sa labas ng Bicol na kailangang magtungo muna sa Legazpi City Community Home Quarantine at magpresenta ng negative test result para sa pagbiyahe.
Mula alas-11:00 ng gabi hanggang alas-3:00 ng madaling-araw naman ang curfew hours.
Anumang paglabag sa mga itinalagang protocols ay nangangahulugan ng karampatang parusa sa ilalim ng mga nakakasakop na batas.