NAGA CITY – Tila hindi umano sumusunod ang ilang mga establishemento sa ipinapatupad na COVID-19 health protocols sa Naga City.
Ito ang kinumpirma ng Incident Management Team (IMT) at Health Emergency Response Task Force (HERTF) sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Allen Reondanga, Chief of Office, ng CEPPIO Naga, sinabi nito na bibigyang diin nila ang pagpapatupad ng mga health protocols sa mga closed settings sa naturang lugar.
Aniya, batay sa datos ng contact tracing at monitoring center nabatid na sa mga closed areas nagmumula ang hawaan ng nakamamatay na sakit.
Ito ay dahil umano sa kawalan ng maayos na bentilasyon ng mga commercial establishments, mga opisina at iba pang mga closed areas.
Dagdag pa ni Reondanga, mismong ang alkalde na ng lungsod ang nagpababa ng kautusan hinggil sa mas mahigpit na mga direktiba.
Sa ngayon, umapela na rin ng tulong ang opisyal sa mga negosyo na kung maaari ay pansamantalang magsagawa na lamang muna ng mga alternative work arrangement at mas higpitan ang kanilang mga empleyado sa pagsunod sa mga health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan.