Nakaisip ng kakaibang solusyon ang ilang mga opisyal sa Amerika upang mahikayat pa ang mga tao na hesitant pa ring magpabakuna laban sa COVID-19.
Sa Ohio, naglunsad si Governor Mike DeWine ng lottery system kung saan mamimigay ito ng $1 million sa mga residente na nasa legal na edad na at nakatanggap na kahit isang dose ng coronavirus vaccine.
Mag-uumpisa ang draw sa May 26 tuwing araw ng Miyerkules sa loob ng magkakasunod na limang linggo at makakatanggap ang bawat mananalo ng tumataginting na $1 million.
Huhugutin ang gagamiting pera mula sa existing federal pandemic relief funds.
Maliban dito mamimigay din ng full college scholarship ang estado sa mga nabakunahan na Ohioans edad 17-anyos pababa kabilang ang kanilang tuition, room and board at mga libro.
Sa nakalipas na linggo kasi bumaba ang bilang ng mga mamamayan sa Ohio na nais magpabakuna.
Nasa 36% pa lamang ng populasyon ang nakakompleto ng bakuna habang nasa 42% ng populasyon ang nakatanggap ng unang dose.
Sa New Jersy at Connecticut naman nakipagnegosasyon na rin sa mga bars at brewpubs kung saan libreng alak naman ang alok sa mga bagong naturukan ng COVID vaccine habang $100 naman ang ibibigay sa mga empleyado ng Maryland state na naturukan.
Nauna nang namigay ng libreng ticket ang Mets and Yankees baseball clubs sa kanilang fans na nabakunahan noong nakaraang linggo ayon naman kay New York Governor Andrew Cuomo. (with report from Bombo Everly Rico)