CAUAYAN CITY – Mayroon nang nagkakasakit mapa-bata man o matatanda na pansamantalang nakatira sa mga tent open area sa kanilang plaza dahil sa mga nararanasang pag-ulan sa Itbayat, Batanes.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Roldan Esdicul, sinabi niya na ang kalusugan ng mga evacuees ang tinututukan ng mga medical team dahil nagdudulot ang pag-ulan ng pagkakasakit.
Ayon pa kay Ginoong Esdicul, simula ngayong araw ay magpapadala sila ng mga yero at kahoy sa nasabing bayan sa pamamagitan ng mga bangka para ang bawat pamilya ay makapagpatayo ng kanilang tirahan malapit sa mga napinsala nilang bahay.
Sa ngayon aniya ay unti-unti nang nakaka-recover mula sa trauma ang mga bata dahil nakakapaglaro na sila kompara noong katatapos lang ng lindol kung saan nasa tabi lang sila ng kanilang magulang.
Itoy sa tulong ng stress debriefing na ginagawa ng mga volunteer debriefers na nagtungo sa Itbayat.
Samantala, hindi pa nakakabalik sa klase ang mga bata dahil napinsala ang kanilang mga paaralan kaya posibleng sa susunod na linggo ay sisimulan na ang pagpapatayo ng mga malalaking tent na pansamantalang gawing classroom ng mga mag-aaral.
Sinabi pa ni Ginoong Esdicul na parang magnanakaw ang mga residente sa Itbayat na bumabalik sa kanilang bahay para kumuha ng kanilang mga gamit dahil kumukuha sila ng timing pero agad ding tumatakbo palabas kapag may aftershock.
Sa kabilang dako, nasa maayos nang kalagayan ang mga nasugatan maliban sa ilan na nagtamo ng malalang injury matapos madaganan ng mga gumuho nilang bahay.