VIGAN CITY – Naniniwala ang presidente ng Philippine National Shooting Association (PNSA) na mayroon umanong “internal politics” na nangyari dahil sa pagkakatanggal ng ilang events sa shooting competition sa darating na 30th Southeast Asian Games (SEA Games) na isasagawa sa bansa sa susunod na buwan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, inihayag ni dating Ilocos Sur governor na ngayo’y Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson na maaaring kinausap umano ng ilang mga opisyal ng shooting association ng ibang bansang kalahok sa SEA Games ang organizer ng sporting event at pinatanggal ang ilang events sa shooting competition.
Ito umano ay dahil sa wala silang atletang kasali sa mga ito o dahil alam nilang matatalo sila laban sa mga shooters ng Pilipinas.
Ayon kay Singson, ang mga tinanggal umanong events ng shooting competition ang siguradong panghahakutan daw ng gintong medalya ng mga shooters ng PNSA kaya umaapela ito sa mga kinauukulan na kung maaari ay ibalik ang mga natanggal na events.