Nasa Zamboanga del Norte na ang ilang mga ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) upang makakuha ng mas maraming impormasyon ukol sa hinihinalang pagdukot sa American content creator na si Elliot Onil Eastman.
Una nang bumisita ang mga FBI Agent sa opisina ni Mayor Joel Ventura ng Sibuco, Zamboanga del Norte.
Kasunod nito ay bumisita rin umano ang mga ahente sa asawa ng biktima at kinausap ang kaniyang mga kaanak.
Ayon naman sa US Embassy sa Manila, ang FBI ay nakikipagtulungan sa mga local police sa kanilang paghahanap kay Eastman.
Giit ng US Embassy, prayoridad ng US Department of State ang kaligtasan at kapakanan ni Eastman.
Batay sa unang report ng pulisya, si Eastmen ay binaril umano ng apat na indibidwal na nagpakilala bilang mga pulis. Matapos mabaril ay agad siyang binuhat tungo sa isang motorboat at dinala sa hindi pa matukoy na lugar.
Sa kasalukuyan ay bumuo na ang Police Regional Office-Zamboanga Peninsula (PRO-9) ng Critical Incident Management Task Group (CIMTG) para mag-imbestiga at manguna sa pagsagip kay Eastman.
Maliban sa PNP, tumutulong na rin ang Armed Forces of the Philippines para matunton ang lokasyon ng naturang dayuhan at matukoy kung sino ang dumukot sa kaniya.