-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagpapaabot na rin ng tulong ang ilang mga Pilipino na nasa Morocco para sa mga biktima ng magnitude 6.8 na lindol.

Ayon kay Gina Masamayor Campo ang Bombo International News Correspondent at Filipino community leader sa Morocco, nag-ipon ang kanilang pamilya ng mga damit na siyang ipinamigay sa mga Moroccans at kapwa mga Pilipino na naapektohan ng lindol.

Pahirapan ang pagpapaabot ng tulong kung saan inaabot ng tatlong oras ang biyahe papunta sa mga katabing nayon dahil sa hindi magandang kondisyon ng daan at mga bato at lupa na nakaharang pa sa kalye.

Ayon pa kay Campo, karamihan sa mga residente ay nananatili ngayon sa labas ng kanilang mga tahanan dahil sa pangamba sa mga aftershocks na umaabot ng magnitude 4 habang ang iba ay wala ng tirahan na babalikan.

Dahil dito, panawagan ng mga residente na mabigyan sila ng mga tents upang hindi magtiyaga pa sa paggamit ng pinagtagpi-tagping plastic upang may matuloyan lang.

Sa ngayon umaabot na sa mahigit 2,900 ang bilang ng mga namatay sa lindol habang hindi pa rin mabatid kung ilan pa ang nawawala lalo pa at walang datos dito ang gobyerno ng Morocco na taong 2004 pa ng huling makapagsagawa ng census.