BACOLOD CITY – Nananatili sa Iloilo City ang iba pang finalist ng ginanap na Bombo Music Festival 2020 nitong Sabado, Enero 11, matapos abutan ng flights cancellation patungo sa Ninoy Aquino International Ariport dahil sa epekto ng Taal Volcano eruption.
Sa panayam ng Star FM Bacolod kay Glen Bawa, isa sa composers ng kantang “Sabi ko Naman Sayo,” sinabi niyang hindi sila nakaalis simula pa kagabi at hindi rin nakaabot sa paunahan ng pagpapa re-schedule ng flights para makauwi agad.
Dahil dito, sa Huwebes ng gabi pa ang nakuha nilang schedule pabalik ng Luzon.
Hindi naman aniya sila pinabayaan ng Chairman Of Executive Committee and Overall Program Director ng BMF 2020 na si Mr. Rico Jacomille kung saan pinabalik sila ng hotel.
Kuwento rin ni Eugenio Corpuz 111, composer ng awiting “Run,” nasa airport pa rin sila ng mga kasama at nagbabaka-sakaling matuloy ang flight pero ikinokonsidera na ang pagsakay na lamang ng barko pauwi ng Bicol, Albay.
Naghihintay naman sa Iloilo airport ang grupo ni Nino Dela Paz Mas, composer ng “Babalik-balikan” dahil nakaabot sila sa pagpapa re-schedule ng flights ngayong araw.