-- Advertisements --

LAOAG CITY – Nauubusan na ng tubig ang ilang fire station sa Los Angeles, California sa Estados Unidos dahil sa lumalalang sunog.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Rene Ballenas mula sa Estados Unidos, nagpadala ng karagdagang firefighting forces ang Canada at Mexico para maapula ang lumalaking apoy.

Aniya, nahihirapan ang mga firetruck dahil walang sapat na tubig para sa lawak ng sunog kaya tinitingnan nila ang mga posibleng pagkukunan ng tubig tulad ng Pacific Ocean o mga swimming pool ng mga hotel.

Ipinaliwanag niya na ang halaga ng pinsala sa sunog sa maraming mga tahanan kabilang ang mga bahay ng mga artista, milyonaryo at bilyonaryo na mga indibidwal ay umabot na sa bilyun-bilyong dolyar.

Sabi niya na dahil maraming bahay ang natupok ng apoy, marami sa mga residente ang pumunta sa mga hotel para sa pansamantalang matutuluyan.

Idinagdag niya na base sa pinakahuling datos, walang Pilipino ang kabilang sa mga namatay sa wildfire.

Samantala, habang isinusulat ang balitang ito, hindi pa matukoy ng mga awtoridad ang pangunahing sanhi ng sunog.