Naaresto ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang indibidwal dahil sa umano’y ‘fixing’ activities o hindi otorisadong pag-aalok ng mabilisan at agarang biyahe kalakip ng mas malaking pamasahe o bayad.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog, nahuli nila ang dalawa habang nasa kalagitnaan ng kanilang modus at inaalok ang mga dumarating na pasahero at mga motorista.
Ginagamit na pang-akit ng mga ito ang umano’y mas mabilis na boarding services o mas mabilis na pagsakay sa mga sasakyang pandagat at agarang paglayag mula sa pier patungo sa kanilang destinasyon.
Ilang mga ebidensiya ang nasamsam sa pag-iingat ng umano’y mga fixer tulad ng cellphone, marked money, at boodle money.
Sa karagdagang pagtatanong na ginawa ng mga PCG personnel sa isang biktima na papunta sa Mindoro, inalok umano siya ng mas madaliang boarding process ngunit hinihingan ng P1,000 na bayad; ang bayad ay ibibigay lamang kapag nakasakay na ang mga ito sa barko.
Ikinuwento rin ng naturang biktima na ilan sa kaniyang kasamahan ang inalok din ng katulad na halaga.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang karagdagang imbestigasyon para matukoy ang posibleng kasabwat ng dalawang fixer.
Dinala na rin ang dalawa sa kostudiya ng PNP – Maritime Group at inihahanda na ang kasong kanilang kahaharapin.