-- Advertisements --

Bilang paghahanda sa pagdating at inaasahang pananalasa ng bagyong Ampil, kinansela na ng Tokyo government ang biyahe ng tren at commercial flights ngayong araw.

Batay sa forecast ng Japan Meteorological Agency, ngayong gabi ay maaaring magsimula nang maramdaman ang lakas ng bagyong Ampil na inaasahang magdadala ng malalakas na paghangin at malawakang pag-ulan na maaaring magdulot ng mga pagbaha.

Ang bagyong Ampil ay may pagbugsong 162 kph (101 mph) at may bilis na 15 kph.

Maliban sa biyahe ng mga tren, pansamantala ring itinigil ang mga delivery, habang maaga ring nagsara ang mga establishimiyento sa Tokyo, kasabay ng inaasahang pagbayo ng bagyo.

Sa mga train service ng Japan, pansamantala nang itinigil ang serbisyo ng Bullet train nito na may rutang Northeastern, kasama na ang biyahe ng local train ng Tokyo.

Sa mga flight cancellations naman, ang mga departing at arrival flights sa ilang airport ay kanselado na, kabilang ang Haneda at Narita sa Tokyo, kasama ang Kansai, Osaka at Chubu airports.