Kanselado na ang ilang flights sa mga siyudad sa southern China kasabay ng paglakas pa ng Typhoon Yagi bilang Super Typhoon habang patungo sa holiday island province ng Hainan.
Tinatahak ng bagyo ang kanlurang parte ng South China Sea at patungong Hainan. Nagdadala naman ng malakas na pag-ulan at hangin ang super typhoon sa baybayin ng China. Ang episentro nito kaninang pasado alas-4 ng hapon ay nasa 610 km timog-silangan ng Zhangjiang city sa Guangdong province.
Kaugnay nito, in-upgrade na ng Hainan ang emergency response nito sa pinakamataas na lebel kaninang 11:30 am ngayong Huwebes.
Inaasahan na magla-landfall ang bagyo hapon ng Biyernes sa Hainan o sa karatig nito na coastal province ng Guangdong.
Sinuspendi na rin ang pasok sa trabaho, paaralan maging ang local transport services mula nitong hapon ng Huwebes sa Haiko, kabisera ng Hainan.
Sa Hongkong naman kung saan inaasahang dadaan ang bagyo, magi-isyu na rin ng ikatlong pinakamataas na typhoon warning ang lungsod mamayang 6:20pm kayat malilimitahan na rin ang operasyon ng public transport doon.
Samantala, inaasahan naman na ang Super Typhoon Yagi ang pinakamalakas na bagyong tatama sa China sa nakalipas na halos isang dekada.