CAGAYAN DE ORO CITY – Uma-arangkada na ang inilunsad ng Department of Tourism na Philippine Experience Culture,Heritage and Arts Caravan kasama ang ilang Manila based foreign dignitaries sa Northern Mindanao.
Kasunod ito sa isinusulong ni DoT Secretary Christina Frasco na Philippine Experience Program kung saan mismong mga banyaga ang hinikayat na bumisita para makita at maranasan ang katahimikan na namamayani sa Mindanao na matagal nang isinalarawan na magulo at hindi ligtas sa mga bisita.
Unang binisita ng foreign dignataries mula sa mga bansang Austria,Malaysia,Finland at ibang private personalities ang shrine ng Divine Mercy ng El Salvador City ng Misamis Oriental at Museo de Oro ng Xavier University kung saan naka-preserba ang archaeology & ethnology artifacts ng syudad.
Ginawaran rin sila ng mainit na pagbati ng local government unit ng city government bago tinungo ang Dahilayan Adventure Forest Park ng Manolo Fortich, Bukidnon.
Nakipag-kita rin ang delegasyon ni Frasco sa pitong tribu ng mga katutubo na nasa likod ng taunang Kaamulan Festival sa syudad ng Malaybalay bago puntahan ang Lake Apo ng Valencia City at Kitaotao lahat sa Bukidnon nitong araw.
Nakahanda na rin ang Department of Tourism Region 11 ng Davao City na tatanggap sa foreign dignitaries mula sa Northern Mindanao bukas.
Paliwanag ni Frasco na kailangang puspusan ang promosyon ng turismo ng buong bansa lalo sa isla ng Mindanao dahil gusto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na sunod na tourism hub ng Asya ang Pilipinas.