LEGAZPI CITY- Nagpapasalamat ang Atin Ito Coalition sa lahat ng mga nagpaabot ng donasyon para sa ikakasang civilian supply mission sa West Philippine Sea.
Nabatid na mahigit 150 packs na ang ipapaabot na donasyon sa mga mangingisdang naglalayag sa Bajo de Masinloc shoal.
Ayon kay Atin Ito Coalition Convenor Edicio Dela Torre sa panayam ng Bombo Radyo Legazpu na karamihan sa mga mangingisda ang nag-request ng krudo na magagamit sa kanilang paghahanapbuhay.
Sinabi ng opisyal na nasa 50 media volunteers ang makakasama sa naturang misyon kung saan ilan sa mga ito ay mula pa sa Japan, Estados Unidos at ilang bahagi ng Europa.
Naniniwala ang opisyal na makakatulong para sa bansa kung maipi-presenta ng media ang sitwasyon sa naturang karagatan upang mabatid ng mundo ang nangyayari sa pinag-aagawang teritoryo.
Ito ay sa gitna pa rin ng patuloy na pagbaliktad ng China sa mga kaganapan sa naturang karagatan.
Samantala, sinabi ni Dela Torre na hindi nila inaalis ang posibilidad na buntutan sila ng mga barko ng China gayundin ang paggamit nito ng karahasan.
Dahil dito ay nakipag-ugnayan na umano ang kanilang grupo sa National Task Force on the West Philippine Sea at Philippine Coast Guard upang mapaghandaan ang emergency situation.
Naninditan naman ang Atin Ito Coalition na hindi kaguluhan ang hangad nila kundi maipakita na ang West Philippine Sea ay para sa Pilipinas.