-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Ibinahagi ng isang frontliner nurse mula sa Canada ang hirap na pinagdaraanan dahil sa malaking bilang ng mga COVID-19 patients na inaasikaso.

Ayon kay Bombo International Correspondent Yolly Punzalan, tubong Makato, Aklan at kasalukuyang naninirahan sa Canada na kung minsan ay nag-i-extend siya ng duty hours lalo na kapag hindi kaagad makarating sa trabaho ang ilang kasamahan.

Dagdag pa nito na nalungkot siya habang nakaranas naman ng mental panic ang ibang katrabaho nang mahawaan ng nakamamatay na virus ang kasamang frontliner nurse.

Dahil dito, gumagawa umano siya ng extra precautionary measure upang hindi makadala ng virus sa tuwing uuwi ng bahay lalo pa at may maliliit siyang anak.

Sinabi ni Yolly na sinisigurado niyang nakasuot ng personal protective equipment tuwing nasa duty.

Kapag umuuwi ay agad siyang naliligo at nagpapalit ng damit na kaagad niyang nilalabhan.

Dinidisinfect rin umano niya ang lahat ng mga gamit mula sa labas bago pumasok sa kanilang bahay.