Bukas pa rin ang ilang gates sa 4 na dam sa Luzon ngayong araw ng Sabado para sa pagpapakawala ng tubig.
Base sa datos mula sa Flood Forecasting and Warning Section ng state weather bureau, ang mga dam na nagpapakawala ng tubig ay ang Ipo dam, Ambuklao dam, Binga dam at Magat dam.
Sa Ipo dam na nasa Norzagaray, Bulacan, nakabukas ang gate nito sa 0.15 meters kaninang 8am kung saan ang reservoir water level nito ay nasa 100.30 meters, malapit na sa spilling level na 101.10 meters.
Sa Ambuklao dam naman sa Bokod, Benguet, may isang gate ang nakabukas kaninang umaga na nasa 0.5 meters, binawasan na ito mula sa 4 na gates na binuksan nitong Biyernes. Ang antas naman ng tubig sa naturang dam nitong umaga ay nasa 751.42 meters, mas mababa ng isang metro na lamang mula sa normal high water level nito na 752 meter.
Sa Binga dam sa Itogon, Benguet, 2 gates ang nakabukas ngayong Sabado, bumaba na ito mula sa 6 na gates na binuksan kahapon. Mayroong 574.01 na antas ng tubig ang dam, halos malapit na rin sa normal high water level nito na 575 meters.
Sa Magat dam, na nasa pagitan ng Ifugao at Isabela, nananatiling nakabukas ang isang gate ngayonga araw maging kahapon. Ilang metro na lang din ang agwat ng reservoir water level ng dam mula sa normal high water level nito na 193 meters.
Samantala, sa itinuturing naman na pinakamalaking dam sa buong Pilipinas na San Roque dam na matatagpuan sa Pangasinan at sa dam sa Benguet, wala ng gate ang nakabukas ngayong Sabado.
Matatandaan sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong Kristine, nagdala ito ng malalakas na ulan sa Luzon at iba pang parte ng bansa sa mga nakalipas na araw na nagpataas din sa antas ng tubig sa mga dam.