Mariing kinondena ng mga grupong People’s Alliance for Democracy and Reform, Alliance of Filipino Kabalikat sa Demokrasya (ABKD), at Liga ng Independencia ng Pilipinas (LIPI) ang kamakailang claims ng China sa isla ng Palawan.
Kaugnay nito, hinikayat ng mga ito ang pamahalaan na gumawa ng matapang at tiyak na posisyon bilang tugon sa claims ng China.
Ayon Kay Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng nasabing mga grupo, nagbunsod ng galit sa mga kritiko ang kamakailang paggiit ng China na dating parte ng kanilang teritoryo ang Palawan at dapat umanong bumalik ito sa kanila, na wala aniyang basehan at paglabag sa international law.
Taliwas din ang claim na ito ng China sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at fundamental principles ng sovereignty at territorial integrity.
Binigyang diin ni Goitia na dapat disididong tugunan ito ng bansa sa pamamagitan ng pinahusay na maritime patrols, pinalakas na military presence, diplomatic protests, at mas malalim pang alyansa sa regional at global partners para malabanan ang revisionist claims at expansionist agenda ng China.
Aniya, ang kamakailang muling pag-aangkin ng China sa Palawan ay kasunod ng matagal nang pagsisikap nitong palawakin pa ang teritoryo nito sa pinagtatalunang karagatan.
Sinabi rin niya na binigyang-katwiran ng gobyerno ng China ang pag-aangkin nito sa pamamagitan ng pagbanggit sa mga sinaunang paglalakbay at makasaysayang mga mapa, na sinasabing ang Palawan, kasama ang iba pang mga teritoryo sa West Philippine Sea, ay nasa ilalim umano ng kasaysayan ng impluwensya ng Tsino ngunit pinabulaanan ito ng mga eksperto base sa mga legal na pagsisiyasat.
Pinagtibay ni Goitia ang pagiging lehitimo ng soberanya ng Pilipinas sa Palawan, sa ilalim ng international law at 2016 Permanent Court of Arbitration (PCA) ruling, na pumabor sa Pilipinas at nagpawalang bisa sa malawakang claim ng China.