Nagsagawa ng rally ang ilang grupo mula sa magkakaibang political affiliations para ipanawagan ang impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Idinaos ang naturang rally sa EDSA People Power Monument sa Quezon city ngayong Sabado, Enero 18.
Inorganisa ang naturang rally ng Bunyog party na kumakatawan sa mga ordinaryong mamamayan. Nasa 80 pro-impeachment vloggers naman ang lumahok kabilang ang supporters ni dating VP Leni Robredo na tinatawag na kakampink at mga grupong pro-Marcos.
Kabilang sa dumalo si Alliance of Concerned Teachers Partylist Rep. France Castro na nagbigay ng updates kaugnay sa impeachment complaint na inihain laban sa Bise Presidente noong Disyembre 2024.
Ayon sa mambabatas, hindi pa nai-endorso sa opisina ni House Speaker Martin Romualdez ang naturang complaint na inihain sa Kamara mahigit isang buwan na ang nakakalipas.
Tinukoy ni Rep. Castro na isa sa nagpapahina sa impeachment case ay ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi umano napapanahon ang impeachment.