Nagkasa ng kilos-protesta ang ilang progresibong grupo ngayong araw bilang pagtutol sa pagsasagawa ng joint bilateral exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Kasabay ito ng idinaos na opening ceremony ng Balikatan Exercises 39-2024 ngayong araw sa Kampo Aguinaldo, Quezon City sa pangunguna nina Armed Forces of the Philippines, Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., at United States Marine Corps Forces, Pacific Commander, LtGEn. William Jurney.
Sa harapan ng tarangkahan ng himpilan ng Kampo Aguinaldo ay sama-samang kinalampag ng iba’t ibang mga progresibong grupo tulad ng Karapatan, Bagong Alyansang Makabayan, Gabriela partylist, at Bayan Muna party-list ang pamahalaan para tutulan ang naturang military exercises sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa magkakahiwalay na pahayag ay pawang kinondena ng naturang mga grupo ang pagpapahintulot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagsasagawa ng naturang pagsasanay.
Anila, ilalagay lamang ng mga aktibidad na ito ang ating bansa sa delikado posisyon na posible namang magdulot ng mas mataas na tensyon sa West Philippine Sea.
Kung maaalala, una nang nagpasaring ang China hinggil sa bilateral training na ito ng Pilipinas at Amerika kasama rin ang iba pang mga kaalyadong bansa.
Ngunit matatandaan din na una nang binigyang-diin ng AFP na walang kinalaman ang mga aktibidad na ito sa tensyong nararanasan ngayon sa West Philippine Sea.