Nagprotesta ang ilang grupo sa Liwasang Bonifacio sa lungsod ng Maynila ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 11 laban sa agresibong mga aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Inilunsad ng mga miyembro ng “Alyansa Bantay Kapayapaan at Demokrasya” (ABKD) mula sa Central Luzon, Southern Tagalog, at National Capital Region (NCR) ang naturang protesta ngayong bisperas ng ika-8 anibersaryo ng makasaysayang panalo ng gobyerno ng Pilipinas sa 2016 Arbitration case laban sa China na nabasura sa 9-dash line claim ng higanteng bansa.
Sa naturang aktibidad, ipinakita ng mga protester ang kanilang mariing pagkondena sa patuloy na mga agresibong aksiyon ng China sa WPS.
Iginiit ng grupo na dapat respetuhin ng China ang international law, ang UN Charter, ang 1982 UNCLOS at Arbitral Tribunal ruling na pinakaepektibong solusyon para resolbahin ang tensiyon sa pinaga-agawang mga teritoryo sa WPS.
Nananawagan din ang grupo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing West Philippine Sea Awareness Month sa buong Pilipinas ang buwan ng Hulyo bilang pagkilala at pag-alala sa makasaysayang panalo ng PH laban sa China at isulong ang kamalayan sa mga Pilipino sa kahalagahan ng WPS para sa hinaharap na henerasyon ng mga Pilipino.