-- Advertisements --
bigas palengke rice

Nananawagan ang ilang grupo na ipawalang-bisa ang liberalisasyon ng bigas at wasakin ang rice cartel para makamit P20 na bigas.

Ayon kay Cathy Estavillo, tagapagsalita ng grupong bantay bigas, binigyang-diin nito na hangga’t nasa ilalim ng liberalisasyon sa agrikultura at nananatili ang Republic Act No 11203, o Rice Liberalization Law, na nagreresulta ng pagdami ng exported na bigas sa Pilipinas ay hindi makakamit ang P20 na bigas kada kilo.

Giit pa ni Estavillo, hangga’t mataas ang cost of production ng mga magsasaka mahirap na makamit ang sinasabing P20 kada kilo.

Dagdag pa, kasabay aniya na inihayag ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr., na malapit nang makamit ang P20 na kada kilo ay ang pagsirit ng presyo nito sa ilang pamilihan, ito ay base na rin sa patuloy na pag-monitor ng bantay bigas, na nagkaroon ng dagdag kwatro pesos kada kilo.

Panawagan ng grupo na i-fully subsidize ng gobyerno ang gamit sa produksyon ng mga magsasaka at bilhin ng pamahalaan ang 25% ng local production ng mga farmers.

Dapat rin aniya na bilhin ng pamahalaan ang 25% na local production sa makatarungan na presyo at hindi bababa sa P20 kada kilo.

Giit pa ni Estavillo, ang kadiwa na proyekto ng Pangulo, ay dapat aniya na dalhin ni Marcos sa mga komunidad upang mas malapit sa mga consumers at magsasaka na naghahanap ng murang produkto.

Sa kabilang dako, base na rin sa pagtatanong ng Bombo Radyo sa ilang mga nagtitinda ng bigas sa ilang pamilihan sa Metro Manila, tinatayang ang pinakamababang presyo nito sa ngayon ay P46 kada kilo at ang pinakamahal ay aabot ng P60.

Malayo pa sa sinasabing P20 kada kilo.

Sa pakikipanayam kay Ruby Carullo, nagtitinda ng gulay at bumibili ng bigas, wala naman siyang panawagan sa gobyerno bilang pagpapaliwanag niya, ay napababa naman daw ang presyo ng sibuyas, at maghintay na lang din sa bigas.

Una na ring inihayag ni Pangulong Marcos Jr. na pangarap niya, bago siya umupo bilang Pangulo ng bansa na mapababa ang presyo ng bigas sa P20 kada kilo.