Nananawagan ang ilang grupo ng magsasaka para sa pagbibitiw nina Finance Secretary Benjamin Diokno at National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan sa gitna ng panukalang tapyasan ang taripa na ipinapataw sa inaangkat na bigas.
Sa isinagawang public hearing ngayong araw, Setyembre 15 ng Tariff Commission kaugnay sa panukala, binasa ni Samahanag Industriya ng Agrikultura (SINAG) executive director Jayson Cainglet ang joint statement ng grupo na nanawagan sa pagtanggal sa dalawang top economic managers ng Marcos administration.
Sinabi ni Cainglet na nagkakaisa sila sa pagtutol sa hakbangin nina Secretary Diokno at Balisacan na kanilang nakikita bilang isang death sentence para sa mga Pilipinong magsasaka.
Ayon sa grupo, banta sa local producers ang pagpapatupad ng naturang hakbang na nangangahulugan ng mas mataas na tubo apara sa importers kung saan isinasangkalan lamang ang pagpapahupa ng inflation.
Hindi rin aniya magbebenipisyo dito ang mahihirap dahil aabot sa 85% ng mga inaangkat na bigas ay premium-grade rice na target ang mayayamang mamimili.
Pinuna din ng grupo ang pagsuporta ni Diokno sa panawagang gawing agricuture chief si Balisacan.
Kabilang sa mga grupong nanawagan ay ang SINAG; Federation of Free Farmers (FFF); Philippine Confederation of Grains Associations (PHILCONGRAINS); Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP); Pambansang Mannalon, Mag-uuma, Magbabaul, Magsasaka ng Pilipinas (P4MP); at National Movement for Food Sovereignty (NMFS).
Ang joint statement ng grupo ng mga magsasaka ay kasunod na rin ng pagbubunyag ni Diokno na ipinapanukala ng Department of Finance ang pagtapyas sa 35% na rice import tariff rates sa ASEAN at Most favored nation (MFN) pansamantala sa 0% o maximum na 10% sa loob ng kalahating taon para mapigilan ang pagsipa ng presyo ng bigas.