Hinihimok ng ilang grupo ng mangingisda ang pamahalaan na palakasin ang maritime security sa Western Mindanao matapos makitang naglalayag ang mga barko ng Chinese Navy sa lugar.
Ayon kay Roberto “Ka Dodoy” Ballon, lider ng Katipunan ng mga Kilusang Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, baka hindi lang gaanong agresibo ngayon ang China pero hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa hinaharap sa gitna ng mas bumibigat na sitwasyon sa West Philippine Sea.
Noong Hunyo 7, una nang iniulat na nakita ang dalawang barko ng Chinese People’s Liberation Army Navy (PLAN) na naglalayag sa Basilan Strait malapit sa Zamboanga Peninsula.
Ani Ballon, nakakagalit na habang malayang naglalayag ang mga barkong pandigma ng Tsina sa karagatan ng Mindanao, pinapalayas naman ang mga lokal na mangingisda sa ating sariling karagatan sa West Philippine Sea.
Samantala, sinabi naman ni Edicio “Ed” Dela Torre, President ng Philippine Rural Reconstruction Movement, na “double standard” ang pag-navigate ng Tsina sa mga karagatan ng Pilipinas dahil sa kanilang pribilehiyo ng malayang paglalayag sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea habang inaapi ang mga mangingisda ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang Philippine Rural Reconstruction Movement ay isang non-government organization na nagtataguyod ng rural development at local democracy sa bansa.