Nagkasa ng kilos protesta ang ilang grupo ng mga jeepney driver sa tapat ng tanggapan ng Korte Suprema sa lungsod ng Maynila.
Ito ay bahagi pa rin ng kanilang mariing pagtutol sa isinusulong na Modernization Program ng pamahalaan sa lahat ng mga public utility vehicle sa bansa.
Sa naturang protesta, nanawagan si MANIBELA Chairperson Mar Valbuena sa kataas-taasang hukom na maglabas ng temporary restraining order laban sa PUV modernization program ng pamahalaan, kasabay ng pagsasagawa rin ng oral arguments ukol dito kung saan maaari nilang maipahayag ang kanilang panig hinggil sa nasabing usapin.
Bukod dito ay ipinunto rin ni Valbuena na dapat din aniyang maisaalang-alang ang mga PUVs na hindi nakapagpaconsolidate lalo na’t sa darating na Mayo 16, 2024 ay ituturing na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na “colorum” ang mga ito at sisimulan nang hulihin.
Samantala sa bukod naman na pahayag ay ipinanawagan din ng deputy secretary ng transport group na PISTON na si Ruben Baylon na nararapat lamang na suspendihin na ang naturang programa sapagkat marami na aniyang nagpatotoo na palpak ito, lugi, walang piyesa, at mahihina ang mga sasakyan na isang malaking batayan aniya na dapat nang itigil ng pamahalaan ang naturang programa.