-- Advertisements --
bonifacio day labor groups rally

Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng mga manggagawa sa bahagi ng lungsod ng Maynila kasabay ng paggunita sa ika-159 kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio.

Bitbit ang mga banner, tarpaulin, at iba pang kagamitan ay patuloy ang panawagan ng mga raliyista sa pamahalaan na itaas ang sahod ng mga manggagawa sa Php33,000 kada buwan na talaga anilang makakatulong para sa kanilang mga pamilya.

Bukod dito ay nanawagan din ang mga ito sa Marcos Administration na ibaba ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, at gayundin ang hiling na itigil na ang pag-atake sa mga manggagawa.

Nagmartsa mula Plaza Miranda sa may Quiapo ang mga iba’t-ibang grupong nakibahagi sa nasabing kilusan patungo sa Liwasang Bonifacio atsaka ito naglakad patungo sa Mendiola sa bahagi pa rin ng Kamaynilaan.

Kabilang sa mga nakiisa sa naturang rally ay ang mga grupong Kilusang Mayo Uno, Bagong Alyansang Makabayan, All Workers Unity, at Alliance of Concern Teachers.

Sa datos ng Manila Police District, sinasabing halos nasa 800 mga indibidwal na ang lumahok sa naturang kilos protesta at patuloy pa anila itong nadaragdagan pa.

Tiniyak naman ng lokal na pulisya na mahigpit ang kanilang isinasagawang pagbabantay dito upang masiguro na hindi magkakaroon ng kaguluhan sa nasabing kilos protesta.