-- Advertisements --

Hinimok ng ilang grupo ng mga overseas Filipino wokers (OFWs) ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa alisin na ang ipinapatupad na deployment ban sa Saudi Arabia.

Sa isang pahayag ay umapela si OFWs Kaagapay president Bong Concha na dinggin aniya ang boses ng mga kababayan nating nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa lalo na sa Saudi Arabia upang tulungan ang kanilang mga pamilya.

Nakasaad sa nasabing pahayag na ang pagpapatupad ng mas konkretong polisya na may kaugnayan pagprotekta sa mga OFW ang kinakailangang ipatupad kung ang layunin daw ng naturang pagbabawal ay ang maprotektahan ang mga kababayan natin laban sa mga mapang-abusong employer.

Samantala, sinabi naman ni AkoOFWs Chairman Chie Umandap na naiintindihan niya ang argumento ni DOLE Sec. Silvestre Bello III ngunit binigyang-diin na sa ngayon ay umabot na sa 6,000 mga OFW at kanilang mga pamilya ang naaapektuhan ng nasabing deployment ban.

Magugunita na isa sa mga dahilan kung bakit ipinatupad ng Department of Labor and Employment (DOLE) deployment ban sa Saudi Arabia dahil sa hindi pagbibigay ng sweldo ng ilang mga employers doon.