-- Advertisements --

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa ang grupo ng transportasyon na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) na maging paborable sa kanila ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petisyon para sa temporary restraining order sa phaseout ng mga tradisyunal na dyip sa ilalim ng public utility modernization program.

Ayon kay Piston president Mody Floranda, umaasa ito na papanig sa kanilang posisyon ang hustisya upang patuloy na maserbisyuhan ng sektor ng transportasyon ang mga mananakay.

Matatandaan na noong Dec. 21 hiniling ng grupo sa kataas-taasang hukuman na pigilan ang implementasyon ng PUV modernization program at ilang mga direktiba kaugnay dito ng pamahalaan.

Kaugnay nito naghain ang grupo ng petition for certiorari and injunction na kumukwestyon sa legalidad ng Dec. 21 deadline na itinakda para sa PUVMP at hiniling ang issuance ng TRO para mapigilan ang implementasyon nito hanggang maresolba ang naturang petisyon.

Sa parte naman ng grupong Manibela, sinabi ng presidente ng grupo na si Mar Valbuena na nakatakdang magkita ang kanilang grupo at Piston para pagplanuhan ang kanilang magiging susunod na hakbang.

Maalala na orihinal na plinano ng grupo na isagawa ang transport strike hanggang Dec. 29 bilang protesta sa nakaambang pagpaso ng franchise consolidation sa katapusan ng Disyembre.