-- Advertisements --
image 269

Ilan daw sa mga guro ng Department of Education (DepEd) ay nagsauli ng mga laptop na ibinigay ng kagawaran.

Ayon kay Teachers’ Dignity Coalition Chairman Benjo Basas, hindi raw kasi satisfied ang ilang guro sa performance ng mga laptop kaya isinauli na lamang ito ng ilang mga guro.

Ilan din umano sa mga guro ang hindi na tinanggap ang mga laptop nang makita pa lamang ang specifications ng mga ito.

Ilan daw sa mga guro ay mula sa San Jose sa Nueva Ecija at may guro ring taga Baguio City ang isinauli ang inisyung laptop matapos gamitin ng ilang buwan at bumili na lamang ng sarili nitong laptop.

Dahil dito, hiniling naman ni Senate Blue Ribbon Committee chairman Senator Francis Tolentino kay Basas na mag-provide ito ng sworn statement mula sa naturang mga guro.

Sa pamamagitan daw ng naturang sworn statement ay maba-validate ang mga sinabi ni Basas at susuporta ito sa Commission on Audit (COA) report na ilang guro ang nagsauli ng laptop dahil sa isyu sa speed at performance.

Pero sinabi naman ng senador na posibleng may isyu sa signal kaya hindi maayos ang pag-function ng mga laptop.

Pero iginiit ni Basas na ang ilang guro ay hindi raw satisfied sa mga specifications habang ang ilang guro ay nag-canvass din ng mga laptop.