NAGA CITY- Mas pinahigpit ngayon ng Provincial Government ng Quezon ang security operation matapos magpatupad ng lockdown si Governmor Suarez epektibo nitong Huwebes ng umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Dr. Grace Santiago, Provincial Health Officer ng Quezon, sinabi nitong mayroon na silang kabuuang 20 nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).
Sa nasabing bilang, apat na rito ang naitalang binawian ng buhay na mula sa mga bayan ng Calauag, Candelaria, Unisan at Infanta.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa aniya ang imbestigasyon ng mga otoridad dahil ilan sa nasabing mga namatay ang wala namang travel history sa Metro Manila at labas ng bansa.
Samantala, aminado naman si Santiago na nakakaalarma na ang sitwasyon dahil karamihan aniya sa kanilang mga health personnel ang nahawaan at nagpositibo na rin sa nasabing sakit.
Kaugnay nito, naglaan na aniya sila ng mga isolation area para sa nasabing mga positive patients para maiwasan ng makahawa pa ng iba.