Handa na ang mga ospital at treatment facilities sa bansa sa harap ng inaasahang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa gitna ng mga aktibidad ngayong panahon ng kapaskuhan.
Sa ngayon mababa pa rin ang bilang ng mga pasyenteng may COVID-19 sa ilang ospital sa Metro Manila.
Ang Philippine General Hospital (PGH) may 96 ang naka-admit at nasa 200 kama ang bakante ngunit dahil may pangambang surge, naglaan ng dagdag na 100 kama ang ospital para sa COVID-19 patients mula sa dating 30 hanggang 40 na naka-admit kada araw.
Sinabi naman ni Lung Center of the Philippines Administrative Services Manager Antonio Ramos, nasa 28 na lang ang pasyente nila ngayon mula sa 70 COVID-19 beds na napupuno ng ospital.
Sa San Lazaro Hospital naman, may nasa 27 moderate at severe cases ang naka-admit ngayon.
Ayon sa kanilang tagapagsalita na si Ferdinand De Guzman, aabot sa 111 kama ang kapasidad ng ospital para sa COVID-19 patients.
Tiniyak ng ospital na tuloy-tuloy ang kanilang konsultasyon at screening para sa mga hinihinalang may COVID-19 at ina-assess kung ia-admit sila o sa bahay lang magpapagaling.
Naunang sinabi ni treatment czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega na tinutugunan na ngayon ang expansion ng health capacity lalo na sa Metro Manila.
Pinadaragdagan na rin ulit nila ang bed capacity para sa COVID-19 patients sa mga pampublikong at pribadong ospital.
Magugunitang naglabas ng kautusan ang DOH sa mga ospital na taasan ang porsyento ng alokasyong kama para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Para sa private hospitals, dapat may 20% bed allocation sa infected patients; habang 30% ang mandato sa public hospitals.
Una na ring nagbabala ang Department of Health at mga eksperto na may tsansang “surge” o pagbulusok pataas sa mga kaso ng COVID-19 sa Enero kung hindi maipapatupad ng maayos ang health protocols ngayong holiday season.
Aminado rin naman si Health Usec. Maria Rosario Vergeire na sa ngayon 36% pa naman ang antas ng occupancy rate ng COVID-19 beds sa buong bansa.
Katumbas daw nito ang kategoryang “low risk.” (with report from Bombo Jane Buna)