Ilang hospital workers ng Aklan Provincial Hospital, nagsagawa rin ng kilos protesta
KALIBO, Aklan – Nakiisa rin ang mga healthcare workers ng Aklan Provincial Hospital sa malawakang kilos-protesta para igiit ang mga benepisyong ipinangako sa kanila ng pamahalaan na nakapaloob sa Bayanihan 2 Law para sa pampubliko at pribadong sector.
Bitbit ang kanilang mga placards, ipinagsigawan nila ang kulang at hindi makatarungang distribusyon sa kanilang special risk allowance (SRA), gayundin ang active hazard duty pay at iba pang benepisyo sa gitna ng pandemya.
Umaasa aniya sila na makakatanggap ng P5,000 na SRA mula December hanggang June ngunit December hanggang April lang ang kanilang natanggap.
Nabatid na ilan sa kanila ay wala sa listahan habang ang iba naman ay kalahati lang ang natanggap.
Kasabay nito, nanawagan rin sila na taasan ang sweldo ng mga nurse attendant na sumasahod lamang ng P375 bawat araw.
Maliban sa SRA, pinangakuan rin sila ng meals, accommodations, at transportation allowances na hindi pa naibibigay hanggang sa ngayon.