KALIBO, Aklan – Ipinaalala ng Commission on Elections (Comelec) sa publiko at mga kandidato na bawal na ang pangangampanya, pagbili at pagtinda ng alak simula bukas, araw ng Linggo, isang araw bago ang nakatakdang eleksyon sa Lunes.
Ayon kay provincial election supervisor Atty. Elizabeth Doronilla, kasama sa dalawang araw na liquor ban ang pagtinda, pagbili, pag-serve at pag-alok ng nakakalasing na inumin.
Dagdag pa nito na sa buong Aklan, ilang hotels at establisyemento sa isla ng Boracay ang nag-apply ng exemption para sa liquor ban na sinertipikahan ng Department of Tourism bilang tourist oriented at tumatanggap ng mga dayuhang turista.
Ang liquor ban aniya ay nakapaloob sa Omnibus Election Code.
Kasabay nito, mahigpit na inabisuhan ni Atty. Doronilla ang mga kandidato na itigil na ang pangangampanya simula mamayang hatinggabi.
Samantala, mahigpit na babantayan ng pulisya ang sinumang lalabag dito dahil may kaukulan umano itong parusa.