LAOAG CITY – Inihayag ni Father Melchor Palomares, tagapagsalita ng Diocese of Laoag na lahat ng tao ay pwedeng maging santo kung saan sinabi niya na ilang mga naging santo na ay dating makasalanan.
Aniya, mas malaki ang posibilidad na maging santo ang isang batang may malinis na puso, madasalin at palaging nagsisimba gaya ni Niña Ruiz-Abad na taga Sarrat, Ilocos Norte.
Sinabi ni Father Palomares na matapos inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na iproseso ng Diocese of Laoag ang posibilidad na maging pinakabatang santo si Abad sa kasaysayan ng Pilipinas, ang ginagawa nila ngayon ay iniimbitahan ang mga taong may sakit para hawakan ang natitirang mga labi ni Abad.
Kinumpirma naman ni Father Palomares na may ilan nang may sakit ang pumunta at humawak sa mga natitirang mga labi ni Abad.
Umaasa ang pari na may mangyaring milagro at gumaling ang mga taong nakahawak sa mga labi ni Abad dahil isa ito sa mga basehan kung karapat-dapat na ideklara bilang santo ang isang tao.
Posible naman aniyang abutin ng ilang taon bago ang posibleng desisyon mula sa Roma kaugnay sa beatification at canonization ni Abad.
Si Abad ay isinilang at lumaki sa Quezon city subalit lumipat ang kaniyang pamilya at nanirahan sa Sarrat, Ilocos Norte noong Abril 1988.
Nagtapos si Abad bilang top sa kaniyang klase at nag-aral ng first year high school sa Mariano Marcos State University Laboratory School.