LAOAG CITY – Ikinagalak ng Diocese of Laoag at buong Ilocos Norte ang inaasahang pagsisimula ng imbestigasyon para sa pagiging santo ng 13-anyos na si Niña Ruiz-Abad.
Ayon kay Bishop Renato Mayugba ng Diocese of Laoag, kasalukuyan ng inihahanda ang mga kakailanganin para sa imbestigasyon na pormal na magsisimula sa Abril 7.
Aniya, isa itong proseso kung saan pag-aaralan kung magiging Santo si Abad at pwedeng abutin pa ito ng ilang taon.
Ganunpaman, umaasa si Bishop Mayugba at patuloy na ipagdarasal na magiging Santo si Abad.
Una nang sinabi ni Mayugba na sa murang edad ni Abad noong nabubuhay pa ay nagpakita na ito ng natatanging pag-uugali.
Kilala si Abad sa maigting na debosyon nito sa Yukaristiya at inilaan ang kanyang buhay sa pamimigay ng rosaryo, bibliya, at iba pang relihiyosong kagamitan.
Una nang nagsumite si Mayugba ng detalyadong talambuhay ni Abad sa Vatican dicastery at humiling ng permiso para masimulan ang imbestigasyon matapos makakuha ng suporta mula sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa plenary assembly nito noong nakaraang taon.
Samantala, una na ring inanyayahan ng Diocese of Laoag ang mga tao at may sakit para hawakan ang natitirang mga labi ni Abad at umaasang may mangyaring milagro na isa pa sa mga basehan.
Kung magiging Santo si Abad ay siya ang isa sa mga pinakabata at nag-iisang babaeng Santo sa Pilipinas.