KORONADAL CITY – Humihingi sa ngayon ng agarang tulong lalo na nang malinis na inuming tubig ang mga residente at ilang stranded individuals sa Surigao City na isa sa mga lubos na sinalanta ni bagyong Odette.
May mga looting umanong nangyayari na rin sa ilang parte ng lungsod dahil sa kakulangan sa ayuda dahil hindi pa rin passable ang mga daan dulot ng nga nabuwal na punongkahoy at linya ng koryente.
Ito ang iniulat ni Joseph Calaggui, tubong Surallah, South Cotabato ngunit may pamilya na sa nasabing lugar.
Ayon kay Calaggui, maliban sa problema sa pagkuha ng tubig na maiinom, pahirapan din ang mga nangungunang pangangailangan ng mga apektadong residente na desperadong makakuha ng kanilang kakailanganin bago pa dumating ang tulong na dala ng relief operations sa kanilang lokasyon.
Dahil dito, nanloloob na raw at nagnanakaw ang ilan sa mga residente.
Dagdag pa nito, nagmistulang ghost town na rin ang ilan sa mga lugar sa lungsod ng Surigao dahil sa madalang lang ang dumadaan at nagkalat rin ang debris sa ilang parte ng daan.