-- Advertisements --

Nagrereklamo ang ilang mga jeepney drivers at operators hinggil sa fuel subsidy na ibinibigay ng pamahalaan sa kanila kasunod ng ilang serye ng oil price hikes sa mga nakalipas na mga buwan.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, ilan sa mga jeepney drivers ay nagsabing wala namang laman ang Pantawid Pasada card nila.

Sa naturang card direktang ipinapasok ng pamahalaan ang fuel subsidy para sa mga tsuper, na ilang buwan na ring umaaray sa napakamahal na presyo ng mga produktong petrolyo.

Problema rin aniya nila ang hindi pagkilala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga bagong may-ari ng mga PUJs.

Ang ilan sa mga nakakatanggap pa rin kasi aniya ng Pantawid Pasada program ng pamahalaan ay ang dating may-ari ng unit.

Kahapon, sinabi ng LTFRB na 107,926 fuel subsidy cards na ang kanilang naipamahagi sa mga public transport operators at drivers hanggang noong Biyernes.

Ang bilang na ito ay halos kalahati ng target na 264,443, na hangad ng ahensya na makumpleto bago matapos ang Marso.

Ang bawat card ay maglalaman ng P6,500 para sa gamitin sa pagpapakarga ng gasolina.