-- Advertisements --

Inilabas na ng Philippine Public Safety College (PPSC) ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa insidenteng pambubugbog sa loob ng PNP Academy na nangyari dalawang linggo na ang nakakalipas.

Ayon kay Dr. Romeo Magsalos, director ng National Police College at siya ring chairman ng binuong Board of Inquiry (BOI), lumalabas na pinilit at tinakot lamang ang ilang kadete para bugbugin ang mga bagong graduate pagkatapos ng graduation rites noong March 21.

Tinakot umano ng mga second class cadets ang kanilang mga underclass para gawin ang pambubugbog.

Lumalabas din sa imbestigasyon na tila pumayag pa ang ilang bagong graduate sa pambubugbog sa kanila dahil hindi na ito nagsampa ng kaso laban sa kanilang mga underclassmen.

Kabilang sa mga naging findings ng BOI ay walang sapat na tauhan, lalo na ang mga uniformed personnel, na nagbabantay sa mga aktibidad ng kadete.

Limitado din anila ang mga security guard na naka-detail sa loob ng academy, partikular sa dormitories ng mga kadete.

May inilatag ring rekomendasyon ang BOI para hindi na maulit pa ang insidente na kinasasangkutan ng ilang mga kadete.