CAUAYAN CITY – Hiniling ng pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na namatay sa Kuwait na mabigyan ng katarungan ang sinapit ni Constancia Lago Dayag sa kamay ng kanyang amo.
Ang labi ni Dayag ay dumating na sa bansa at inaasahang makakarating na sa kanilang bahay sa Angadanan, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Nestor Lago, kapatid ni Constancia na naghihinanakit sila sa paiba-ibang pahayag ng pamahalaan sa nangyari sa kanyang kapatid.
Dahil noong una ay inihayag na namatay ang kanyang kapatid dahil sa pambubugbog at pang-aabuso sa kanya ngunit bigla na lamang sinabing natural cause ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Dapat aniyang linawin ng pamahalaan ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng kanyang kapatid.
Sinabi ni Lago na sang-ayon sila na isailalim sa masusing examination ang bangkay ng kapatid at kung sakaling mapatunayang pinatay ng kanyang amo ay marapat na mapatawan ng parusa sa Kuwait.