KALIBO, Aklan – Labis ang hinagpis ngayon ng kaanak ng isa sa pitong nasawi sa pagtaob ng dragon boat sa Sitio Lingganay, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay.
Ayon sa ina nitong si ginang Marissa Navarrete, itinuturing na “bread winner” ng pamilya si Mark Vincent Navarrete, 31, residente ng Barangay Poblacion, Libacao, Aklan na sa katunayan aniya ay hindi na ito nakapag-asawa dahil siya ang nagpapaaral sa kanyang mga kapatid.
Ipinapanalangin na lamang umano nila ang katahimikan ng kaluluwa ng binata at tanggap na rin ng mga ito ang nangyaring trahedya sa dagat na naging dahilan ng kanyang maagang pagkasawi.
Nanawagan din si Gng. Navarrete sa pamunuan ng Dragon Force team at sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na tulungan sila sa pinansyal na kakailanganin kung saan dahil sa may kalakihan at katangkaran ang binata ay nangangailangan sila ngayon ng mas malaking halaga para sa ataol nito.
Maalalang habang nagsasanay ang 21 miyembro ng grupo para sana sa lalahukang international competition ay bigla na lamang silang hinampas ng malaking alon dahilan upang tumaob ang sinasakyang bangka.