-- Advertisements --
NAGA CITY – Inaalam pa ngayon ng mga otoridad ang pinagmulan ng sumiklab na sunog sa Barangay Sipaco, Lagonoy, Camarines Sur.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Naga sa PNP-Lagonoy, napag-alaman na pasado alas-4:10 ng hapon nang i-report ng isang kagawad sa nasabing lugar ang nagaganap na sunog na noon ay limang kabahayan na ang apektado.
Dahil dito agad na rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Lagonoy upang maapula ang sunog at mapigilan na ang pagkalat pa nito.
Napag-alaman na tinatayang mahigit sa apat na oras pa ang dapat lakbayin upang marating ang nasabing lugar gamit ang motorbanca.
Sa ngayon nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy at ang pinsalang iniwan nito.