-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Kinumpirma na ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagpositibo sa COVID (Coronavirus Disease) ng ilang kadete, gayundin ng civilian human resource at organic military personnel ng akademya.

Sa opisyal na pahayag ng PMA sa pamamagitan ni public information officer Major Cherryl Tindog, natuklasan aniya ito sa pamamagitan ng isinagawa doon na mass RT-PCR testing na bahagi ng expanded testing effort ng lokal na pamahalaan at ng IATF (Inter Agency Task Force).

Bagama’t isinara ang akademya sa publiko at kinansela ang mga contact activities ng mga kadete mula ng magsimula ang pandemya, sinabi ng pamunuan ng PMA na may posibilidad na makapasok ang virus sa bubble dahil sa araw-araw na aktibidad ng buong komunidad.

Ayon kay Tindog, maayos na naiulat at nai-coordinate ang mga kaso sa health officials ng Baguio City at sa kasalukuyan ay sumasailalim sa tamang treatment ang mga pasyente.

Natunton at na-isolate na rin ang contacts ng mga ito kasabay ng disinfection sa mga affected areas kaya kontrolado na ang deadly virus sa loob ng akademya.

Pinagpapasalamat din ng PMA na pawang asymptomatic o walang sintomas ang mga pasyente kung saan ilan sa mga kadete na nagpositibo ay nakarekober na.

Ipinasisigurado pa nito sa mga magulang at pamilya ng mga kadete na tinututukan ng pamunuan ng akademya ang pangangailangan at kalusugan ng mga ito.

Batay sa record ng Baguio City Health Services Office noong December 31 at January 1, kabuuang 37 na indibidwal ang nagpositibo sa Fort Del Pilar kung saan matatagpuan ang PMA at karamihan sa mga ito ay may edad na 19-24.