TUGUEGARAO CITY-Pinapayuhan ni Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Office o PDRRMO-Cagayan ang mga residente sa mga low lying areas na maging alerto sa posibleng mga pagbaha.
Sinabi ni Rapsing na patuloy pa rin ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan dahil sa mga bumababang tubig mula sa upstream o sa Quirino at Nueva Vizcaya.
Ayon kay Rapsing sa ngayon ay hindi na madaanan ang Pinacanauan overflow bridge at ang Pinacanauan Nat Tuguegarao Boulevard.
Impassable na rin ang kalsada sa mga barangay ng San Juan, San Vicente at San Roque sa bayan ng Enrile bunsod ng pagbaha.
Hindi na rin madaanan ng 4 wheels ang Nabuculan bridge sa Amulung West dahil may ilang bahagi ng tulay ang nasira.
Ayon pa kay Rapsing, 7.9 meters na ang water elevation sa Buntun at posibleng tumaas pa ito bunsod ng nararanasan pa rin na moderate to heavy rains sa upstream.
Dahil dito, patuloy ang monitoring ng Task Force Lingkod Cagayan sa mga mababang lugar na madalas na nakakaranas ng mga pagbaha tulad sa centro 9, 11, at 12 at sa Linao at Annafunan sa lungsod ng Tuguegarao.
Samantala, sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, manager ng NIA-MARIIS na posibleng magpakawala sila ng tubig mula sa Magat dam kung patuloy ang pagtaas ng lebel nito.
Sa kanilang monitoring kaninang umaga, nasa safe level pa ang water elevation sa Magat dam na 188.24 meters.
Umaasa siya na magtutuloy na ang paghupa ng mga pag-ulan sa watershed areas ng dam upang hindi na tumaas pa ang tubig sa nasabing dam.